Sa tatlong taon kong nananatili sa isang lugar na tinuturing kong pangalawang (o pangatlo, pagkat sa labing tatlong taon kong pananatili sa iisang paaralan nung hayskul ay hindi ko makakayanang sabihing iniwan na ng puso ko ang paaralang iyon) tahanan, nakakita na ako ng samu't saring katauhan na iba't iba ang katangian. Inaamin ko, malayo sila sa aking kinagisnan sa parehas na mabuti at masamang dahilan. Marami akong nakilalang matatawag kong tunay na kaibigan, marahil mas tunay pa sa mga nakilala ko ng lampas isang dekada. Ngunit, marami rin akong nakilala na sukdulan ng bastos at tamad na talaga namang kinasusuklaman ng isang katulad kong napakamaprinsipyong bata. Matatanggap kong ganoon talaga ang buhay at kung ano man ang kinailangan kong pagdaanan sa pakikipagsalamuha ko sa mga nilalang na ito ay makatutulong din sa akin upang maging isang mabuti't matatag na tao.
Ngunit, sadyang hindi ko maiwasang maging malungkot sa aking nabatid. Ang dating busilak at butihing loob ay bigla na lamang nalamon ng kasakiman at biglang napariwara. Nakatikim lang ng kaunting kapangyarihan o karangalan ay sinamantala na ang pagkakataon at pinalawak ang "kasikatan". Marahil dati kung maisasambit niyang nais niyang makatulong sa lipunan ay maniniwala pa ako. Ngunit sa mga nagdaang pagkakataon kung saan dapat magampanan ang trabaho ay bigla na lamang iniwan at nilaglag ang lipunan. Hindi ko na mawari ang mga angkop na salita upang maisalin ang saloobin ko pagkat hindi ko na mapigilang marindi sa nangayayari. Ngunit kailangan kong magbakasakali at magsulat ng isang lathalain na ipinagdarasal kong makapagpapaalala sa mga kapwa kong pinuno o pangulo ng kahit ano mang grupo o organisasyon.
Minsan lamang kung makatikim ka ng kapangyarihan at matikman mo ang kasikatan. Ngunit ang pagiging pinuno ay hindi lamang nakakahon sa kasikatan o karangalan na natatamo kung hindi ay sa pagkakataon na makapagsilbi at makatulong sa iyong pangkat/grupo/organisasyon
Napakaraming tanong at marahil sa iilan sa inyo, nakakaisip na kayo ng mga taong nalalarawan ng aking mga tanong. Ngunit sasabihin kong, hindi lang iisa ang natamaan sa mga tanong ko. Marami silang nangakalat sa paligid at nakaririnding namumutawi ang kanilang baluktot na pananaw sa pamumuno.
Ito lang ang masasabi ko at sinunod at sinusunod ko bilang punong patnugot ng isang pahayagan:
~ Hindi ako nasa pwesto para ipagdikdikan sa lahat ng kinabibilangan ko na mas mataas ang posisyon ko sa kanila. Oo, ako ang pinuno. Pero hindi ko sila uutusan at iiwan sa ere sa pagkakataong kailangan ng magtrabaho. Makikitulong ako kahit sa pinakamaruming trabahong dapat namin gampananan. Hindi ko sila iiwan sa oras ng kagipitan. Hindi ko ipararamdam sa kanila na alipin ko sila. Higit sa lahat, bibigyan karangalan ko ang kanilang mga gawain.
~ Habang nasa taas ako at maraming pumupuri at nagbibigay-karangalan sa aking gawain, sisiguraduhin kong nakasemento ang aking paa sa lupa. Kung maaari pa nga'y ibaon ito bago isemento. Hindi ko maunawaan kung ano ang dapat ikayabang ng mga taong katatanggap pa lamang ng mga responsibilidad ay lumaki na ang ulo. Napakamakasarili.
~Sisiguraduhin ko na ang mga karangalan na nakukuha ko ay dahil may ginagawa talaga ako at hindi dahil nagmumukha akong may ginagawa. Uunahin ko ang karangalang makapagpabago at makapagpabuti sa aking kinabibilangan bago ang mga karangalan na binibigay sa akin ng ibang tao. Mas mahalagang mahal ako ng aking kinabibilangan kumpara sa mahal ako ng mga di ko kasapi.
~Aaminin ko kung hindi ko alam o gamay ang isang bagay lalo na kung bagito pa ako doon. Ayaw kong magmarunong at magmagaling kung hindi naman ako magaling.
~Hindi ko ikukumpara ang pinagdadaanan ko sa lahat ng tao kahit hindi na nila inuunawa ang mga pinagdadaanan ko. Hindi umiikot sa akin ang buong mundo.
Ang sa akin lang, dumarami ang mga may bulok na pananaw sa pamumuno at sadyang nakaririndi na ito. Ang masama pa, yung mga dati rating busilak ang puso't may paki sa tao ay nagiging makasarili at sadyang nagpapasikat na lamang. Nakakalungkot lalo na kung mawawalan ka ng kaibigan dahil hindi mo na siya kilala. Sana lang kung hindi nila kayang panghawakan ang kapangyarihan, huwag na silang magtangkang abutin ito. Walang kwenta ang mga lider na nagpapalamon na lamang sa kapangyarihan/kasikatan/ka